Pasig Congressional bet Christian Sia, diskwalipikado sa Halalan 2025
By Acel Fernando, CLTV36 News
Diniskwalipika ng Commission on Elections (Comelec) Second Division si Christian Sia sa kandidatura bilang kinatawan ng Pasig sa 2025 National and Local Elections, bunsod ng kanyang malaswang pahayag laban sa mga single mother.
Sa desisyong inilabas ngayong Huwebes, May 8, pinaboran ng Comelec ang petisyon ng Task Force SAFE na humiling na harangin ang kandidatura ni Sia matapos siyang magbitaw ng umano’y mapanirang komento sa isang campaign sortie noong Abril.


Ayon sa Comelec, hindi na maaaring ituloy ni Sia ang kanyang kandidatura sa nag-iisang distrito ng Pasig. Dagdag pa ng ahensya, kung siya’y manalo sa halalan, ipagpapaliban ang kanyang proklamasyon hangga’t hindi nareresolba ang kaso.
Umani ng matinding batikos ang naging pahayag ni Sia na ang mga single mother na “may regla pa at malungkot” ay pwedeng sumiping sa kanya isang beses kada taon — bagay na tinawag ng Comelec na hindi katanggap-tanggap mula sa isang naghahangad ng posisyong sa gobyerno.
Giit ni Sia, bahagi ito ng kanyang kalayaan sa pananalita at hindi dapat ituring na diskriminasyon. Gayunman, nasundan ito ng isa pang insidente kung saan inakusahan siyang nagbitaw ng abusadong komento laban sa isang babaeng campaign staff, dahilan upang siya’y muling padalhan ng show cause order. #
