Pamilya ng mga nasawi sa aksidente sa NAIA, patuloy na nagdadalamhati
Personal na binisita ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac ang pamilya ng nasawing si Malia Kates Yuchen Masongsong.
Ang 4-anyos na bata ang isa sa dalawang biktima ng nangyaring vehicular accident sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong Linggo, May 4.

Nagpaabot na ng tulong ang DMW sa pamilya ng bata, kabilang ang psychosocial assistance at spiritual counseling, higit lalo sa ama niyang si Danmark Soriano Masongsong na isang OFW sa Czech Republic.
Ayon sa kwento ni Masongsong kay Secretary Cacdac, ihahatid lang dapat siya ng kanyang pamilya sa airport matapos ang three-week vacation sa bansa nang maganap ang aksidente. Tatlong taon daw hindi nakita ng ama ang kanyang pumanaw na anak.

“Napakahirap po sa akin, napakasakalap po sa pamilya namin ang nangyari. Anak ko po yon, mahal na mahal ko po yung anak ko. Hindi ko po kaya (It’s very difficult for me, it’s very difficult for our family. That’s my daughter, and I love her very much. It’s unbearable for me),” salaysay ni Masongsong sa Kalihim.
Kasalukuyan namang nasa intensive care unit ang asawa ni Masongsong na si Cynthia matapos lubhang masugatan.
Iginiit naman ng Kalihim na nakausap na raw ng kanilang opisina ang employer ni Masongsong.
Samantala, kasalukuyan namang nakaburol sa kanilang tahanan sa Hagonoy, Bulacan ang labi ni Dearick Keo Faustino na isa pa sa mga nasawi sa malagim na trahedya sa NAIA.

Papunta sanang Dubai ang 29-anyos na biktima para sa isang business trip nang mangyari ang aksidente.
Ayon sa kanyang pamilya, breadwinner si Faustino at pangalawa sa apat na magkakapatid. Nakatakda sana siyang magdiwang ng kanyang 30th birthday sa May 29.
Ililibing ang labi ni Faustino sa Paombong Memorial Park sa Linggo, May 10.
Batay sa ulat ng Philippine National Police Aviation Security Group (PNP AVSEGROUP), negative ang resulta ng mga isinagawang alcohol and drug test sa driver ng sports utility vehicle (SUV) na nakabangga sa mga biktima.
Kasalukuyang nasa detention facility ng AVSEGROUP mobile patrol security unit ang suspek para sa ilang inquest proceedings. Maaari siyang maharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, multiple physical injuries, at damage to property. #
