British Lola, Guinness World’s oldest person sa edad na 115
Opisyal nang kinilala bilang world’s oldest woman living at oldest person living si Ethel Caterham, ang pinakamatandang lola sa United Kingdom.
Nakatira sa Surrey, England si Ethel na nakuha ang mga bagong title sa edad na 115 years at 252 days, ayon sa LongeviQuest. Kasunod ito ng pagkamatay ni Inah Canabarro Lucas, isang madre mula Brazil, sa edad na 116 nitong April 30, 2025.
Ayon sa Guinness World Records, si Ethel ang pinakabatang tao na kinilala bilang pinakamatandang babae sa huling labindalawang taon.

Ipinanganak si Ethel sa Shipton Bellinger, Hampshire noong August 21, 1909.
Tumira si Ethel sa India sa edad na 18 upang magtrabaho sa isang British family. Taong 1927 nang mag-isa siyang bumiyahe upang maglayag sa dagat sa loob ng tatlong linggo.
Makalipas ang apat na taon, nakilala niya ang kanyang mapapangasawa na si Major Norman Caterham mula sa British Army. 1933 nang magpakasal sila sa Salisbury Cathedral.
Habang nasa Hong Kong ang kanyang asawa, nagtayo ng nursery si Ethel at tinuruan ang mga bata ng Ingles at paggawa ng arts and crafts.
Nang bumalik sa Surrey, biniyayaan ang mag-asawa ng dalawang anak: sina Gem at Anne.
Taong 1976 nang mabiyuda si Ethel. Nauna ring namatay ang mga anak ni Ethel sa kanya. Namayapa si Gem noong early 2000s habang nasawi dahil sa cancer si Anne noong 2020 sa edad na 82.

May tatlong apo at limang apo sa tuhod si Ethel.
Kasalukuyan siyang nakatira sa isang care home — na pinangalanang Ethel’s Garden dahil sa kanya.
Sa isang panayam sa Salisbury Journal, sinabi ni Ethel na ang positibo niyang pananaw ang sikreto sa kanyang mahabang buhay.
“Say yes to every opportunity because you never know what it will lead to. Have a positive mental attitude and have everything in moderation,” aniya.
Pinaniniwalaang si Ethel ang last living subject ni King Edward VII, ang panganay ni Queen Victoria.
Si Ethel din ang isa sa pinakamatandang tao na naka-survive sa COVID-19 matapos magkasakit dahil dito noong 2020 sa edad na 110. #
