Environmental leadership, isinulong sa 11th SEY Camp sa Bataan
By Acel Fernando, CLTV36 News
Hindi hadlang ang murang edad sa pagiging tagapagtanggol ng kalikasan.
Ito ang mensaheng pinagtibay ng 11th Summer Environmental Youth (SEY) Camp na isinagawa ng National Coalition for the Future of the Bataan Movement (NCFBM) katuwang ang YoungBEAN bilang bahagi ng kanilang Earth Month initiatives.

Sa temang “Educate, Engage and Empower: Make the Youth Voice Matter for a Just and Sustainable Future”, layunin ng camp na hubugin ang mga kabataan bilang mga aktibong lider at tagapagsulong ng ‘welfare and rights of the environment’. Pinanday ang mga kalahok sa kaalaman, kakayahan, at paninindigan upang harapin ang mga hamong kinakaharap ng kalikasan, mula sa krisis sa klima hanggang sa pakikilahok sa mga usaping pampulitika.

Kabilang sa mga aktibidad ang ‘Di-Bati’ Debate, kung saan tinalakay ng mga kabataan ang mga sensitibong isyung pangkalikasan gaya ng isyu sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP). Sa Climactivity Workshop, nakatuon ang mga kalahok sa pagbuo ng mga konkretong solusyon sa epekto ng climate change sa kanilang komunidad.

Isinagawa rin ang mga talakayan ukol sa renewable energy at climate health na hindi lamang nag-ugnay sa kalikasan at kalusugan kundi isinama rin ang mental well-being ng kabataan bilang mahalagang aspeto ng pangkalahatang kalikasan ng pamayanan.

Bilang pagtatapos ng camp, isinagawa ang isang panunumpa sa kalikasan kung saan isinulat ng mga kalahok ang kanilang pangako sa environmental action at isinilid ito sa isang ballot box. Simbolo ito ng akto ng pagboto para sa isang luntian at makatarungang kinabukasan na nagpapakita ng kanilang intensyong suportahan ang mga lider na tunay na kikilos para sa kalikasan. #



