Mga hakbang para sa mas inklusibong pagboto sa May 12, inilunsad ng Comelec
Inilunsad ng Commission on Elections (Comelec) ang mga bagong hakbang para sa mas inklusibong pagboto ngayong papalapit na ang National and Local Elections sa May 12, 2025.
Para sa mga Pilipinong Persons with Disability (PWDs), lalo na sa mga visually-impaired individuals, may nakahandang headphones na nakakabit sa Automated Counting Machine (ACM) upang marinig nila ang kanilang ibinoto.
Layunin nitong bawasan ang alinlangan at masiguro ang tamang pagboto.
Pinapayagan pa rin naman ang pagdadala ng Assistor para sa mga PWDs, ngunit wala sila nito, maaaring ang election officer ang mag-assist sa botante.
Para naman sa Indigenous Peoples (IPs), itatatag ng Komisyon ang Accessible Voting Centers sa kanilang mga komunidad upang hindi na kailangang bumiyahe pa nang malayo. Gagamit din ng Starlink satellite technology para sa mga malalayong lugar upang matiyak ang mas maayos at mabilis na transmission ng mga boto.
Kasabay nito, binuksan din ng Comelec ang pagboto para sa Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa lokal na halalan, sa bisa ng desisyon ng Korte Suprema. Magkakaroon ng Special Polling Precincts sa mga detention center o jail facilities, at posible rin ang Escorted Voting kung papayagan ng korte.
Samantala, pinapayagan naman ang Local Absentee Voting para sa mga kasapi ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), kawani ng gobyerno, at media personnel na may election duties, upang makaboto para sa national positions gaya ng senador at partylist. #
