Reelectionist Senator Bong Go, no. 1 sa bagong senatorial survey ng OCTA Research
Nanguna si reelectionist Senator Bong Go sa pinakabagong senatorial preference survey ng OCTA Research na isinagawa mula March 18 hanggang 24, 2025 mahigit isang buwan bago ang eleksyon sa May 12.

Ayon sa resulta ng Tugon ng Masa nationwide survey, nakakuha si Go ng 64% na suporta mula sa mga respondent. Pumangalawa si ACT-CIS Representative Erwin Tulfo na may 61%, kasunod ang broadcaster at kapatid nito na si Ben Tulfo na may 48%. Nasa ikaapat na pwesto naman si dating Senate President Tito Sotto na may 46%, habang si Senador Bong Revilla ay nasa ikalima na may 45%.
Kasama rin sa listahan ng mga itinuturing na “favorable candidates” sina Senador Lito Lapid, Pia Cayetano, Bato Dela Rosa, Francis Tolentino at Imee Marcos, mga dating senador na sina Bam Aquino, Kiko Pangilinan, Ping Lacson at Manny Pacquiao, Makati Mayor Abby Binay, Las Piñas Representative Camille Villar, TV host na si Willie Revillame, at si dating DILG Secretary Benhur Abalos.

Ayon sa OCTA Research, isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 male and female respondents mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas, na edad 18-pataas. Ginamitan ng ±3% margin of error ang kabuuan ng datos, habang ang mga rehiyunal na datos naman ay may ±6% na margin of error gaya ng Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Muli namang iginiit ng OCTA Research na non-commissioned ang kanilang survey at isinagawa lamang upang maghatid ng serbisyo publiko sa mga botante. #