Red-tagging at illegal campaigning, nangungunang electoral violations: Kontra Daya
Aabot na sa 100 election-related violations ang natanggap ng Kontra Daya, isang election watchdog, simula nang mag-umpisa ang campaign period ng mga national candidate para sa 2025 Midterm Elections noong February 11.
As of March 14, umabot na sa 94 ang naiulat na insidente, kung saan ang red-tagging ang may pinakamataas na bilang ng paglabag na nasa 63.8%. Sinusundan ito ng illegal campaigning na may 24.5% na karaniwang mula sa ilang kandidatong nangunguna sa mga survey, ayon sa Kontra Daya.

Matatandaang nitong March 10, hiniling ni Bayan Muna party-list 1st nominee Neri Colmenares sa Commission on Elections (Comelec) na imbestigahan ang umano’y “massive and widespread black propaganda” laban sa kanila.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No. 11116 o ang Anti- Discrimination and Fair Campaigning Guidelines, itinuturing na election offense ang pagpaparatang sa isang grupo o indibidwal bilang terorista at kriminal nang walang sapat na ebidensya.
Samantala, bukod sa red-tagging at illegal campaigning, may naitala rin ang Kontra Daya na ilang report kaugnay ng vote buying na nasa 4.3%, illegal use of public resources na may 3.2%, at iba pang paglabag na nasa 4.2%.
Dahil dito, iginiit ni Dr. Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, na dapat bigyang pansin ng Comelec ang mga paglabag na ito sa lalong madaling panahon upang mapanatili ang patas at malinis na halalan at maparusahan ang mga dapat parusahan. #