Bed capacity at work force ng PGH, planong dagdagan

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 2928 matapos makakuha ng botong 19-0.
Layunin nitong palakihin ang kapasidad ng Philippine General Hospital (PGH) mula 1,334 hanggang 2,200 kama, gayundin ang kabuuang workforce ng ospital.
Ito ay panukalang batas na inihain nina Senators Sonny Angara, Bong Go, Jinggoy Estrada, at Pia Cayetano, kasama ang Committees on Health and Demography, and Finance.
Ang hakbang na ito ay tugon sa matagal nang problema sa sumisikip na espasyo ng naturang ospital at layong mapabuti ang serbisyong medikal para sa mga Pilipino.
Kaugnay nito, isasama sa Annual General Appropriations Act ang halaga na kakailanganin para sa implementasyon nito.
Ang PGH ay itinatag noong 1907 at binuksan sa publiko noong 1910. Ito ang pinakamalaking pampublikong tertiary hospital sa bansa, kung saan mahigit 600,000 pasyente—na karamihan ay maralita—ang naseserbisyuhan nito taun-taon.