Ajitsuke tamago at tortang talong, nangunguna sa TasteAtlas’ 50 Best Egg Dishes of 2025
By David Peña, CLTV36 News intern
Inilabas ng TasteAtlas, isang kilalang food ranking platform pagdating sa food critic reviews at authentic recipes, ang listahan ng 50 Best Egg Dishes sa buong mundo ngayong February 2025.
Nangunguna sa ranking ang Ajitsuke tamago, isang traditional Japanese dish na binubuo ng soft-boiled eggs na binabad sa mirin at toyo.

Pumangalawa rito ang paboritong ulam ng mga Pilipino — ang Tortang talong. Gawa ito sa inihaw na talong at bahagyang binating itlog.

Sa Chania, Greece naman nanggaling ang pangatlong putahe sa listahan, ang Staka me ayga. Binubuo ito ng poached o fried egg at local staka — isang uri ng buttery cream na hinaluan ng harina.
Pang-apat sa ranking ang Strapatsada, isa pang putahe na mula sa Greece. May ginisang diced tomatoes ito na binudburan ng fresh herbs, saka hinalo sa bahagyang binating itlog at dinurog na feta cheese.
Nasa ikalimang puwesto naman ang Ispanaklı yumurta mula sa Turkey. Isa itong putahe na pinagsasama ang itlog, spinach, sibuyas, olive oil, red pepper flakes, at bawang.
Kabilang din sa ranking ang Tortilla de Betanzos ng Spain sa ikaanim na pwesto, Eggs Benedict na Rank 7, Chawanmushi ng Japan sa 8th place, at Menemen ng Turkey na siyang ikasampu.
Mula sa simpleng piniritong itlog hanggang sa kumplikadong egg-based dishes, muling pinapatunayan ang kahalagahan ng itlog sa iba’t ibang kultura at tradisyon sa pagluluto.Ang pagkabilang ng Tortang talong sa ikalawang pwesto sa ranking ay patunay na ang tradisyunal at pang-araw-araw na ulam man ng mga Pilipino, kinikilala pa rin sa pandaigdigang gastronomiya. #