‘Kill’ threat joke ni ex-Pres. Duterte sa 15 senador, pinaiimbestigahan sa NBI
Dapat umanong imbestigahan ng National Bureau of Investigations (NBI) ang naging pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng planong pagpatay sa 15 senador upang bigyang daan umano ang mga kandidato na kanyang iniendorso para sa 2025 midterm elections sa ilalim ng Partido ng Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP-Laban).

Ayon kay Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, maaaring may seryosong epekto ang naging pahayag ni Duterte.
“In a democracy, words have power, especially when they come from someone who has held the highest office in the land. If certain statements warrant legal scrutiny, it is imperative that all similar declarations be assessed fairly and consistently,” pahayag ni Adiong.
Dagdag pa niya, dapat umanong manindigan ang ating institusyon sa pagtataguyod ng batas sa mga ganitong klaseng pahayag at dapat ding tiyakin na walang sinumang indibidwal ang makakasira sa mga prinsipyo at pananagutan.
Bukod dito, ipinunto rin ni Adiong na una nang inimbestigahan ng NBI ang parehong ‘kill’ threat ni Vice President Sara Duterte kina President Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez noong Nobyembre, kaya wala umanong dahilan ang ahensya para hindi ito siyasatin.
“If joking about a bomb threat is prohibited by the law and has a penalty, then threatening to kill 15 senators should also have a consequence,” wika ng naturang mambabatas.
Matatandaang noong Huwebes, February 13, sa proclamation rally ng PDP-Laban sa Club Filipino, San Juan City, nagbitiw ng pabirong pahayag si ex-president Duterte na papatayin niya ang 15 senador para makapasok ang siyam na senador na kanyang iniendorso.
“Anong dapat nating gawin? Eh di patayin na natin ang mga senador para magkaroon ng bakante. Kung makapatay tayo ng 15 senador, makukuha natin silang lahat. Kung tutuusin, baka ang tanging paraan lang talaga ay pasabugin,” ani Duterte. #