₱43-M halaga ng electronics, nakumpiska ng CIDG sa Bulacan
By David Peña, CLTV36 News intern
Aabot sa ₱43.36-milyong halaga ng electronic devices ang nakumpiska ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) operatives sa raid sa isang iligal na pagawaan sa Meycauayan, Bulacan noong February 5, 2025.

Ayon kay CIDG Chief Brig. Gen. Nicolas Torre III, naaresto sa operasyon ang apat na suspek, kabilang ang isang Chinese national na si Chi Ho na may-ari ng Hot Screen Electric Corporation na siyang target na establisyimento ng pulisya.
Nakumpiska mula sa pasilidad ang 3,183 smart TV na may iba’t ibang tatak at laki, pati na ang mga piyesa tulad ng LED boards, panels, monitors, power supplies, speakers, back casings, glass front covers, assorted documents, remote control, at iba pang electronics.

Nahaharap ngayon ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Article 18 (a) ng Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines dahil sa paggawa nang hindi naaayon sa product quality or safety standard na itinakda ng batas. #