Batas na mangangalaga sa mga BHW, lusot na sa Senado
Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado noong Lunes, February 3, ang Senate Bill No. 2838 o ang Magna Carta for Barangay Health Workers (BHWs) na inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito.
Matapos makakuha ng 19 affirmative votes, zero negative at zero abstentions, lusot agad sa mataas na kapulungan ang naturang batas na unang inihain ni Ejercito noong January 21, 2025.
Layon ng panukalang batas na gawing institutionalized ang monthly compensation para sa mga BHW at tiyakin ang minimum na buwanang honorarium na ₱3,000, kasama ang subsistence at travel allowance, kahit pa sila ay itinuturing na mga volunteer.

Ayon sa Senador, ngayong malapit nang maging isang ganap na batas ang kanyang panukala, matutupad na ang pangakong mabigyan ng pantay na pagkilala at suporta ang mga BHW.
“Sila po ang extension ng Department of Health sa ating mga komunidad. Naglilingkod po sila bilang bahagi ng ating preventive healthcare system. Ngunit higit sa lahat, tumugon po sila sa tawag ng tungkulin noong panahon ng pandemya at nagsilbing frontliners. They are heroes in their own right,” saad ni Ejercito.
Bukod pa rito, nakasaad din sa panukalang batas ang pagtulong ng national government sa pagpondo sa kompensasyon para sa mga BHW, partikular ang mga nasa third at fifth class municipalities. #