Libo-libong iligal na paputok, winasak ng mga pulis sa Pampanga
Winasak ng Pampanga Police Provincial Office (PPO) ang 4,280 piraso ng mga ipinagbabawal na paputok ngayong Biyernes, December 27.
Tinatayang nasa mahigit ₱40,000 ang halaga ng illegal firecrackers na sinira ng mga otoridad bilang bahagi ng kanilang kampanya na gawing ligtas ang pagdiriwang ng Bagong Taon.
Ang ceremonial destruction ay pinangunahan ni PCol. Jay C. Dimaandal, kasama ang Bureau of Fire Protection (BFP) at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Kabilang sa mga winasak na paputok ang mga sumusunod:
- 2,070 piraso ng Piccolo
- 1,280 piraso ng Five Star
- 300 piraso ng Pop Pop
- 603 piraso ng improvised na “boga” cannon
Kasabay nito, nanawagan ang hepe ng pulisya na gumamit ng mga authorized firecrackers upang makaiwas sa anumang aksidente at pinsala.
“Ang aktibidad na ito ay pagpapakita ng aming dedikasyon na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng pagkumpiska ng mga ilegal at mapanganib na paputok. Hinihikayat namin ang publiko na sumunod sa batas at gumamit lamang ng mga otorisadong paputok at pyrotechnic devices,” ayon kay Dimaandal.