Alice Guo, nag-plea ng ‘not guilty’ sa kasong material misrepresentation
Not guilty ang plea na inihain ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong material misrepresentation na isinampa ng Commission on Elections (COMELEC) sa Capas, Tarlac Regional Trial Court Branch 66.
Kaugnay ito ng citizenship na inilagay ni Guo sa kanyang Certificate of Candidacy noong 2022 elections.
Sa ulat na inilabas ng GMA news nitong Huwebes, December 5, dumalo si Guo sa arraignment via virtual conference, ayon umano sa kanyang abogado na si Nicole Jamilla.
Giit ng kanyang kampo, hindi nag-misrepresent o nagsinungaling si Guo noong siya ay kumandidato dahil siya umano ay isang Filipino citizen. Giit pa nila, premature ang kaso laban sa dating alkalde dahil wala pang desisyon kaugnay ng immigration cases at cancellation ng kanyang live birth certificate. Plano raw nilang magpyansa para sa pansamantalang paglaya ni Guo.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakakulong si Guo sa Pasig City Jail para sa hiwalay na kaso ng qualified human trafficking bunsod ng pagkakasangkot niya sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Bukod pa rito, nahaharap rin siya sa iba pang mga kaso, kabilang ang graft, tax evasion, at money laundering. #