13,344 na classroom backlog sa Gitnang Luzon, naitala ng DepEd-III
By Leezen Morten, CLTV36 News
Aabot sa 13,344 ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong Central Luzon, base sa tala ng Department of Education Region 3.
Sa naging panayam kay DepEd-III Regional Director Ronnie Mallari sa Kapihan sa Bagong Pilipinas ng Philippine Information Agency-Central Luzon (PIA-3), inihayag ng opisyal na nasa 1:35 ang average classroom to student ratio sa rehiyon.
Mas mainam raw ito kumpara sa standard 1:40 na ratio.
Bukod sa kaaya-aya at kumportable ang pag-aaral ng mga estudyante, nakatutulong rin ang mas mababang ratio sa mas epektibong pagkatuto at pag-unawa ng mga ito.
Gayunpaman, mayroon pa rin aniyang mahigit 13,000 na kakulangan sa silid-aralan na kailangang tugunan ng pamahalaan, lalo na sa mga paaralan na may mataas na bilang ng mga mag-aaral.
“Like in the bigger divisions—provincial divisions, ‘yung kanilang backlog with other populated area, syempre mas malaki ‘yung gaps doon,” tugon ni Mallari sa media.
“We are distributing it equitably, titingnan mo ‘yung disaggregated na 1:35, ‘yun ang average. Then in the advent of the new construction, we give premiums doon sa mga nasa 1:50, 1:45, that’s how we address it,” dagdag pa niya.
Una nang inanunsyo ni DepEd Secretary Sonny Angara na dapat nang masolusyunan ang mahigit 159,000 na classroom backlog ng buong Pilipinas na tumataas pa sa bilang na 10,000 kada taon. #