Online Registration para sa Barangay Micro Business Enterprises ng DTI, available na
Available na raw muli ang online registration system para sa Barangay Micro Business Enterprises (BMBEs) simula nitong Lunes, September 23.
Kaugnay nito, hinihikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) Region Three ang mga business owner na magparehistro.
Sa ilalim ng RA 9178 o Barangay Micro Business Enterprise Act of 2002, ang mga rehistradong negosyo ay makakakuha ng mga benepisyo gaya ng income tax exemption, mas madaling access sa pautang, exemption mula sa minimum wage law, at prayoridad sa mga programa ng gobyerno para sa technical assistance at training.
Bukod pa rito, mababawasan rin daw ang kanilang regulatory fees na makakatulong upang mapagaan ang mga gastusin ng maliliit na negosyo.
Ayon sa DTI-3, ang mga indibidwal o kumpanya na kumikita ng hindi hihigit sa ₱3-M kada taon at may mga negosyo gaya ng sari-sari store, food stall, at iba pang maliliit na negosyo ay maaaring mag-register sa ilalim ng BMBE.
Libre ang pagpaparehistro gayundin ang issuance ng Certificate of Authority.
Maaaring isumite ng mga aplikante ang kanilang mga dokumento gaya ng business permit at financial statements gamit ang online platform na available 24/7.
Para mag-register, bumisita lamang sa official website ng DTI sa BMBE@dti.gov.ph at sundin ang mga hakbang na itinakda para sa online registration. Matapos isumite ang aplikasyon, makakatanggap ang mga aplikante ng confirmation at impormasyon tungkol sa status ng kanilang registration.
-30-