Tarlac Fil-Chi Volunteer Fire Brigade, pasok sa Top 3 National Finalists ng Gawad KALASAG Special Awards
By Shela Payongayong, CLTV36 News intern
Pasok sa Top 3 National Finalists para sa Best Volunteer Organization ang Tarlac Filipino-Chinese Volunteer Fire Brigade (TFC-VFB) sa 2024 National Gawad KALASAG Special Awards.
Sa ginanap na national field validation, ipinakita ng Tarlac Filipino-Chinese volunteers ang kanilang mga natatanging kontribusyon at tagumpay noong 2023.
Kabilang sa mga ito ang serye ng operasyon sa pag-apula ng sunog, pagtugon sa mga sakuna, at ang pagsasagawa ng community training programs upang matiyak ang kahandaan ng mga lokal na komunidad sa panahon ng kalamidad.
Ayon sa iniulat ng Civil Defense Central Luzon sa kanilang official Facebook page, ipinamalas ng TFC-VFB ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod hindi lamang sa Tarlac kundi maging sa iba’t ibang bahagi ng Central Luzon.
Isinagawa ang national field validation mula September 16 hanggang 18 sa pangunguna ng Office of Civil Defense (OCD) Regional Office 3 at Gawad KALASAG National Selection Committee.
Ang Gawad KALASAG ay taunang seremonya ng OCD na nagbibigay ng parangal sa mga lokal na pamahalaan at organisasyon sa kanilang kahusayan sa disaster risk reduction and management.