Lumang kahoy: bagong buhay at kabuhayan
By: Leezen Morten, CLTV36 News
Nananatiling buhay ang industriya ng old lumber sa Bacolor, Pampanga na nagbibigay ng kabuhayan sa mamamayan at tumutulong din sa pangangalaga ng kalikasan.
Ayon kay Carlito Peña, isa sa mga naunang old lumber dealer sa bayan, sa halip na pumutol ng mga puno, nagmumula sa mga istrukturang giniba o inabandona ang gamit ng kanilang industriya.
Mula sa mga lumang kahoy na ito, nakakalikha sila ng mga bagong produkto tulad ng mga muwebles, construction materials at iba pang dekorasyon.
Aniya, ‘di hamak na mas matibay, dekalidad at kaaya-aya ang mga lumang kahoy na pinoproseso noong mga naunang panahon.
“Kumbaga king prutas, bubut la pa reng dutung a gagamitan ngeni, e kalupa dati, pag ing pun e de akaul deng atlung tau, e de paputut,” paliwanag ni Peña.
(Kumbaga sa prutas, ‘yung mga kahoy kasi na ginagamit ngayon ay hindi pa hinog. Dati ang puno kapag hindi kayang yakapin ng tatlong tao, hindi pwedeng putulin.)
Suportado naman ng lokal na pamahalaan ang industriya ng old lumber sa bayan. Isang patunay raw ito na ang pag-unlad ng ekonomiya at pangangalaga sa kalikasan ay maaaring isulong nang magkasabay.