Pampanga at PhilHealth: Pinaigting na Sugpuin ang Tuberculosis
PAMPANGA – Nanguna si Vice Governor Lilia “Nanay” Pineda sa malawakang panawagan na paigtingin ang pagsugpo sa Tuberculosis (TB) sa Pampanga at mga karatig na probinsiya noong ika-25 ng Marso, 2024 sa ginanap na pagtitipon sa Kapitolyo, Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga. Kasama rito at buong sumuporta sina Central Luzon Center for Health Development Regional Director Corazon I. Flores, PhilHealth Region III Acting Vice President Henry V. Almanon, Branch A Acting Branch Manager Dr. Rowena Zabat-San Mateo, at mga kasamahan mula sa PhilHealth Regional Office III.
Nagbigay si Vice Governor Pineda ng direktiba sa mga Chief of Hospitals, City at Municipal Health Officers na tutukan ang pagpapa-accredit sa PhilHealth ng mga pasilidad na pangkalusugan at mga doktor sa Pampanga. Ito ay upang aktibong makilahok sa pagsugpo sa TB at mapangalagaan ang kalusugan ng mga Kapampangan at iba pang mga kababayan. Layunin ng programang ito ang maagang pagsusuri, pagtuklas, at paggamot sa TB ng pasyente, gayundin ang pagtaas ng bilang ng mga pasilidad na magbibigay ng serbisyong pangkalusugan para sa TB tulad ng pagpapa-certify sa Department of Health (DOH) at pagpapa-accredit sa PhilHealth ng mga Rural Health Units (RHUs), District Hospitals, at mga pasilidad ng Tuberculosis Directly Observed Treatment Short-Course (TB DOTS).
Ayon sa World Health Organization (WHO), halos 1.3 million katao ang namatay sa sakit na TB noong 2022 (kasama ang 167,000 na kataong may HIV) sa buong mundo. Ang TB ay pumapangalawa sa infectious killer na COVID-19. Noong taong 2022, halos 10.6 million katao ang tinamaan ng TB sa buong mundo, kung saan 5.8 million ang kalalakihan, 3.5 million ang kababaihan, at 1.3 million ang mga nasa batang edad. Ang TB ay makikita sa lahat ng mga bansa at iba’t ibang edad ng populasyon. Sa kasalukuyan sa tulong ng mga programang pangkalusugan, ang TB ay magagamot at maiiwasan. Ang pagsugpo ng tuluyan sa TB sa taong 2030 ay isa sa mga health targets ng United Nations Sustainable Development Goals (SDG).
Ang TB ay nakahahawang sakit na kadalasan ay nakaaapekto sa baga at ito ay sanhi ng bacteria. Ito ay kumakalat sa pamamagitan ng hangin kapag ang isang pasyenteng may TB ay umubo, bumahing o dumura. Ang TB ay maaaring maiwasan at malunasan. Ang benepisyong PhilHealth para sa TB DOTS ay Php5,200.00 sa bawat miyembro ng PhilHealth, kailangan lamang magrehistro sa pinakamalapit na PhilHealth Office o Accredited facility upang ito ay magamit.
Sa pangunguna at pakikipagtulungan ng mga Local Government Units (LGUs), PhilHealth, Department of Health (DOH), mga pampubliko at pribadong pasilidad na pangkalusugan, kaantabay ang mga doktor, nars, at iba pang nagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, ang adhikain na sugpuin ang TB at iba pang karamdaman ay matutupad ng Pampanga, gayundin ang iba pang karatig na probinsiya sa buong Central Luzon. (end)