fbpx
Editorial CLTV36

EDITORYAL: Ang Lihim na Sayaw ng Cha-Cha

Isinulat ni Aubrey Rose Rico | Regina, University of the Assumption

Sa kabila ng nagmamahalang presyo ng bilihin, sirang sistema ng pampublikong transportasyon, kakulangan sa pangangailangan at mababang sahod ng manggagawa, mas pinagtutuunan pa rin ng pansin ng gobyerno at sinisikapang bigyan ng panahon na baguhin ang saligang batas.

Konstitusyon ba ang kailangan palitan o ang mga nanunungkulan? 

Naging usapin at kontrobersyal ang talakayan sa charter change o mas kilala bilang Cha-Cha sa panukala  na pinangunahan ng opisyal ng gobyerno. Ang Saligang Batas ng 1987 ang pinakamataas na batas, at siyang basehan ng mga pinakaimportanteng karapatan at kalayaan na tinatamasa natin ngayon. Sa kabilang banda, may mga batas na hindi na maaaring hindi na napapanahon, ngunit nananatiling kwestiyon kung sino ba ang kwalipikado na magbukas ng pagbabago sa saligang batas ng Pilipinas. 

Ayon kay Pangulong Bong Bong Marcos, nais nilang amyendahan ang saligang batas na mas maayos ang ekonomiya nito, ani niya “We have to… we have to adjust so that we can increase the economic activity in the Philippines. You can attract more foreign investor” Ngunit, kahit imungkahi pa na economic revisions lang ang gagawin, hindi ba’t may “domino effect” at malaking pagbabago pa rin ang maaring mangyari sa pagtupad nito? 

Isa sa mga mithiin ng 1987 Constitution ang labanan ang karahasan, pagsasamantala at pang aabuso ng  kapangyarihan. Ayon sa Korte Suprema, “The 1987 Constitution entire matrix is designed to protect human rights and to prevent authoritarianism” Sa kasalukuyang Saligang batas, nakatakdang manungkulan ang presidente at Bise Presidente sa loob ng anim na taon lamang. Subalit, iminumungkahi sa Cha-Cha na maaari silang maluklok sa dalawang magkasunod na termino. Gayundin, sa ibang opisyal ng gobyerno at ibang bahagi ng local na pamahalaan maliban sa barangay officials, nakasaad naman na gagawing limang taon imbis na tatlong taong pamumuno. Para ba talaga sa tao o para humaba pa ang termino?

Bakit nga ba ang iilan ay sumasang-ayon sa pag-amyenda ng Konstistusyon? Kung tutuusin ay halos iisang apelyido lang ang naririnig at nakikita sa halalan. Paano isasaalang alang na palitan ang Konstitusyon sa mga kamay ng nakaluklok na hindi masolusyonan ang isyu sa lipunan? Sa patuloy na pagtulak na maamyendahan ang saligang batas, para ring kinukunsinti ang mga garapal sa kapangyarihan, buwaya sa kayamanan ng taong bayan at patuloy na mawalan ng hustisya at mabulilyaso ang ating sistema. Kung susuriin, dapat mas usisain kung sino ba ang nagsasayang ng pera upang bayaran ang tao maipakita lang na people’s initiative ito, Ayon sa isang ulat ng SAKSI, isang daang piso kapalit ang pirma na isiniwalat ni Albay Representative Edcel Lagman upang mapirmahan ang people’e initiative at maamyendahan ang saligang batas. Malinaw na babala na ang aksyong bayaran pa ang tao, para lang sa sariling interes ng mga nasa likod ng propagandang ito.

Konstitusyon ba ang problema? O ang paraan ng panunungkulan nila? Para ba sa tao, o para sa mga mahilig manggatso? Hindi naman CHA-CHA ang solusyon sa problema ng bansa, tapat na pamamahala, malinis na intensiyon sa kaban ng bayan, hindi kapangyarihan at kagahaman ang nais na nakawin sa pagiging ignorante ng mga botante. Publiko nga ba ang may gusto o dahil sinulsulan ang tao para sa pansariling interes ng mga nakaupo sa gobyerno?

Hindi pa lubusang aprubado sa masa ang CHA-CHA dahil hanggang ngayo’y may agam-agam. Para kanino ba ang ipinaglalaban ng mga opisyal ng gobyerno?

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

How would you rate your satisfaction with our website?*

Do you have any comments, questions, and concerns?