9 na mangingisdang tatlong araw nang stranded, nasagip ng Philippine Coast Guard sa Bataan

Ligtas na nasagip ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Linggo, October 5, ang siyam na mangingisdang tatlong araw nang stranded sa karagatan ng Bataan matapos masiraan ng makina ang sinasakyan nilang bangka.
Ayon sa ulat, namataan ng BRP Cape San Agustin ng PCG ang distress signal ng Fishing Vessel Seriako 1 bandang 3:20 PM. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng PCG at ligtas na nailipat sa kanilang barko ang siyam na mangingisda na pawang taga-Mariveles, Bataan.
Sinuri ng Coast Guard Medical and Nursing Service ang kalagayan ng mga mangingisda. Pitong miyembro ang nasa maayos na kondisyon, habang dalawa ang binigyan ng paunang lunas dahil sa minor injuries.

Matapos ang operasyon, hinila ng BRP Cape San Agustin ang nasirang FV Seriako 1 pabalik sa Mariveles bago ito itinurn-over sa FV Jasmine Rose para ipagpatuloy ang paghila papuntang Barangay Sisiman.
Batay sa imbestigasyon, galing sa pangingisda sa Bajo de Masinloc ang grupo at pauwi na sana noong October 2 nang masiraan ng makina, dahilan upang ma-stranded sila sa dagat sa loob ng tatlong araw bago tuluyang masagip ng PCG. #
