83% ng mga Pinoy, pabor sa kampanya ni PBBM kontra korapsyon: OCTA Research
Sa pinakabagong survey ng OCTA Research, pinaboran ng 83% ng mga Pilipino ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na isiwalat at tugisin ang katiwalian sa pamahalaan, partikular sa mga flood control project.

Tatlong porsyento lamang ang hindi sang-ayon, habang 13% naman ang nanatiling hindi tiyak. Isinagawa ang Tugon ng Masa survey mula September 25 hanggang September 30, 2025 sa 1,200 adult respondents sa buong bansa.
Ayon sa OCTA, malinaw na nananatiling mataas ang tiwala ng publiko sa anti-corruption campaign ng administrasyon. Iminungkahi rin ng grupo na mapapalakas pa ito kung patuloy na paiiralin ang transparency at reporma sa pamahalaan.
Bukod dito, kalahati naman ng mga tinanong o 46% ang naniniwalang dapat isang independent body gaya ng Independent Commission for Infrastructure o ICI ang manguna sa imbestigasyon. 23% ang pabor sa Senado, habang 13% naman ang pumili sa Kamara.
Ipinapakita umano nito ang kagustuhan ng publiko para sa isang malaya at hindi politikal na imbestigasyon sa mga alegasyon ng katiwalian.
Samantala, 68% naman ng mga respondent ang gustong panagutin ang mga tiwaling opisyal at contractor. 58% naman ang gustong mabawi ang nawawalang pondo at makulong ang mga mapapatunayang nagkasala. #
