8 katao na sangkot sa umano’y illegal POGO ops sa Zambales, natimbog ng mga otoridad
Anim na dayuhan at dalawang Pilipino ang naaresto dahil sa umano’y pagkakasangkot sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) at mga kaso ng espionage at kidnapping sa Grande Island, Subic, Zambales umaga nitong Miyerkules, March 19.

Nahuli ang mga suspek matapos ang operasyon ng pinagsamang pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Timbog ang pangunahing target ng operasyon na si Ye Tianwu o mas kilala bilang si Qiu Feng/Qing Feng dahil sa paglabag sa kasong Republic Act 8799 o ang Securities Regulation Code at Republic Act 10175 – Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nadakip din ang iba pang Chinese nationals na sina Xu Xining, Ye Xiaocan, Su Anlong, at He Peng, pati na rin ang isang Cambodian na si Ang Deck/Dick. Damay rin ang dalawang Pilipino na kinilalang sina Melvin Mañosa Aguillon, Jr. at Jeffrey Espiridion na parehong empleyado ng naturang Cambodian national.
Nakumpiska ng otoridad mula sa mga suspek ang cellphone at laptop, isang caliber 9mm na baril, at 16 na bala.
Ayon sa Department of National Defense (DND), nadiskubre rin sa imbestigasyon na pinalalabas umano ng mga nahuli na private enterprise ang Grande Island para makapag-operate ng mga iligal na aktibidad.
Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang lawak ng iligal na operasyon at ang iba pang posibleng sangkot sa naturang kaso. #