7 katao sa Central Luzon, nasawi matapos malunod nitong Semana Santa
By John Ken Domingo, CLTV36 News intern
Pito katao sa Central Luzon ang kumpirmadong nasawi matapos malunod nitong Semana Santa.
Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 3, siyam na drowning incident ang naitala sa buong rehiyon at pito nga rito ang nauwi sa pagkamatay ng pitong indibidwal.
Nangyari umano ang mga insidente ng pagkalunod sa lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija at Zambales.

Nagpaabot na ng pakikiramay ang Central Luzon Police sa pamilya ng mga biktima.
Sa buong bansa, nakapagtala ang Philippine National Police (PNP) ng 31 insidente ng pagkalunod sa nagdaang Semana Santa 2025, mas mababa kumpara sa bilang na 43 noong nakaraang taon.
Ayon sa ulat ni PNP information chief Col. Randulf Tuaño, 26 mula sa 31 ang nasawi sa pagkalunod, 19 mula sa bilang na ito ang adult habang pito naman ang menor de edad.
Sa kabuuan, sinabi ni Tuaño na naging matiwasay ang paggunita sa Semana Santa bunsod ng mahigit 69,000 opisyal ng pulisya na nagbantay sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nagpaalala naman ang kapulisan sa ating mga kababayan na mag-ingat lalo na kapag babyahe o magsasagawa ng recreational activities ngayong summer season.
Samantala, generally peaceful naman daw ang paggunita ng Semana Santa sa Gitnang Luzon ayon sa pulisya.

Libo-libong mananampalataya ang dumagsa sa mga simbahan, pilgrimage sites, at prusisyon. Malaking tulong anila ang koordinasyon ng mga LGU, pulisya, religious groups, at volunteers para mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko. #