6 na barangay captain sa Pampanga, biktima ng pamamaslang simula 2022

Hindi pa man nalilimutan ng mga taga-Pampanga ang mga naunang kapitan ng barangay na pinaslang, may panibagong pangalan na namang nadagdag sa listahan ng mga biktima.
Simula 2022 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa anim na barangay chairman ang napatay sa magkakahiwalay pero kapansin-pansing mararahas na insidente sa iba’t ibang bayan ng probinsya.
Nagsimula ang serye noong January 17, 2022, nang barilin si Kapitan Ranier “Balot” Asban ng Barangay Sto. Niño, Guagua. Nakatayo siya noon sa tapat ng isang gasolinahan at may kausap sa telepono nang lapitan at pagbabarilin ng isang armadong suspek na angkas ng motorsiklo.

Makalipas ang ilang buwan, noong April 30, 2022, pinaslang naman si Barangay Alasas, City of San Fernando chairman Alvin Mendoza ilang araw bago ang May 2022 elections. Isa noon si Mendoza sa mga kumakandidato sa pagkakonsehal ng Syudad sa ilalim ng partido ni ngayo’y CSF Mayor Vilma Caluag.
Papalabas pa lamang ng kanilang tahanan ang biktima nang barilin ilang metro mula sa gate ng isang subdivision. Naisugod pa siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Pagdating naman ng December 27, 2022, binaril sa ulo si Barangay Sto. Rosario, CSFP chairman Jesus Liang habang naglalakad sa tapat ng bagong-renovate na public market. Lumapit ang gunman, kinalabit ang gatilyo, at mabilis na tumakas patungong V. Tiomico Street.

Sumunod na karahasan ang naganap noong June 11, 2024, kung saan pinagbabaril sa broad daylight sa isang gasolinahan sina Barangay San Pedro Cutud, CSFP chairman Mat Ryan “Gazin” Dela Cruz at ang kanyang driver na si Henry Aquino. Habang nagpapakarga ng gasolina, biglang bumaba ang dalawang armadong suspek mula sa isang kotse at pinaputukan ang SUV ng mga biktima mula sa passenger side.

Isa pang barangay leader ang nasawi rin dalawang buwan lamang ang nakalipas. August 12, 2024 nang pagbabarilin sa mismong barangay hall si Barangay Lacquios, Arayat chairman Mel Lumbang. Nasawi siya matapos magtamo ng siyam na tama ng bala mula umano sa isang M16 rifle.

Pinakabagong insidente ang pagpatay kay Barangay Balibago, Masantol chairman Jinqui Quiambao nitong November 25, 2025. Pauwi sana si Quiambao kasama ang mga kapitan ng Barangay Alauli, Bagang, at Nigui mula sa birthday celebration ni Mayor Dan Guintu sa Function Hall ng munisipyo nang sila ay tambangan. Patuloy pa ang imbestigasyon ng kapulisan upang matukoy ang responsable at ang motibo ng nasa likod ng pag-atake.

Sa pagkamatay ni Kap. Quiambao, muling nagsilabasan ang iba’t ibang reaksyon at komento ng ilang kabalen. May mga nagsasabing bakit tila nagiging talamak ang pagpatay sa mga opisyal, habang ang ilan ay iniuugnay na away sa pulitika ang ugat ng naging mga pamamaslang.
Ngunit sa lahat ng ito, mas nangibabaw ang kanilang panawagan para sa katahimikan at kapayapaan, gayundin ang mga pamilya ng biktima na mabigyan ng karampatang hustisya ang kanilang mahal sa buhay. #
