58% ng mga Pinoy, tutol sa pag-aresto kay FPRRD: Pulse Asia
Lumabas sa pinakahuling survey ng Pulse Asia na mahigit kalahati ng mga Pilipinong botante ang hindi sang-ayon sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong March 11, 2025.
Kaugnay ito ng mga kasong isinampa sa International Criminal Court (ICC) hinggil sa extrajudicial killings na naganap mula sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde ng Davao City hanggang sa kanyang termino bilang Pangulo.
Batay sa survey na isinagawa nitong May 6-9, 2025, 58% ng mga registered Filipino voters ang nagsabing tutol sila sa pag-aresto kay Duterte. Sa bilang na ito, 33% ang nagsabing “strongly disagree” sila, habang 25% ang “somewhat disagree”.

26% lang ang nagsabing pabor sila sa ginawa ng ICC, habang 16% ang nagsabing hindi sila makapagdesisyon.
Samantala, kapansin-pansin ang mataas na antas ng pagtutol sa Mindanao, kung saan 96% ng mga tumugon ay hindi sang-ayon sa arrest order. Sa mga class grouping naman, pinakamalaki ang pagtutol mula sa mga nasa Class E na may 74%.
Kasalukuyang nananatili ang dating Pangulo sa kustodiya ng United Nations Detention Unit sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay ang pagsisimula ng mga pagdinig sa ICC kaugnay ng mga kasong isinampa laban sa kanya. #
