51% ng mga Pilipino, sang-ayon na panagutin si Duterte sa extrajudicial killings: SWS survey
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Mahigit 900 Pilipino ang naniniwalang dapat panagutin si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa umano’y extrajudicial killings na bunsod ng war on drugs sa ilalim ng kanyang administrasyon, base sa inilabas na survey ng Social Weather Systems (SWS).
Lumilitaw sa survey na isinagawa mula February 15 hanggang 19 na 51% ng respondents ang nagsasabi na dapat managot si Duterte sa naging mga pagpatay kaugnay ng laban kontra droga.
25% naman ang hindi sang-ayon dito, 14% ang hindi sigurado, at 10% ang tumangging magbigay ng opinyon.

Base pa sa survey, ang Visayas ang nagtala ng pinakamataas na bilang ng mga sumang-ayon na dapat managot si Duterte. Sinundan naman ito ng Northern Luzon, Balance Luzon, Central Luzon, Mindanao, NCR, at Southern Luzon.
Sa kabuuan, 1,800 registered voters ang nakibahagi sa face-to-face interview ng SWS survey.
Kasalukuyang nasa International Criminal Court (ICC) Detention Center si ex-President Duterte sa Scheveningen, Netherlands matapos arestuhin dahil sa umano’y crimes against humanity. Naka-schedule na ang susunod na paglilitis sa September 23, 2025. #