50% ng mga Pinoy, naniniwalang dapat managot si ex-Pres. Duterte sa drug war killings: SWS survey

Lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Station (SWS) na kalahati ng mga Pinoy ang naniniwalang dapat managot si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga pagpatay na iniuugnay sa anti-illegal drug campaign ng kanyang administrasyon.
Isinagawa ang commissioned survey mula September 24 to September 30, 2025 sa 1,500 respondents gamit ang face-to-face interviews.
Batay sa resulta, 50% ang sumang-ayon na dapat managot si Duterte, 32% ang hindi pumabor. 15% ang “undecided” o hindi tiyak kung may pananagutan ang dating presidente, at 4% ang walang sagot.

Pinakamataas ang bilang ng mga sumusuporta sa pananagutan ni Duterte sa Visayas na nasa 54%, sinundan ng Metro Manila na may 53%, Balance Luzon sa 52%, at Mindanao na may 39%.
Lumabas ang resulta ng survey kasunod ng desisyon ng International Criminal Court (ICC) na tanggihan ang hiling ng kampo ni Duterte para sa interim release o pansamantalang paglaya nito.
Ayon sa ICC, mahalagang manatili sa kanilang kustodiya ang dating pangulo upang matiyak na haharap siya sa paglilitis at maiwasan ang posibleng panghaharang sa imbestigasyon o pag-uulit ng mga krimen. #
