5 high-value targets, huli sa Pampanga; higit ₱100-K halaga ng shabu, nasamsam
Limang tinaguriang high-value targets (HVTs) ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga otoridad sa loob ng isang makeshift drug den sa Barangay South Daang Bakal, Dau, Mabalacat City, Pampanga nitong Huwebes, April 3.

Ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 3, tinatayang 15 grams ng hinihinalang shabu, na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱102,000, ang nakumpiska sa lugar kasama ang iba’t ibang drug paraphernalia at ang ginamit na buy-bust money.

Sa pakikipagtulungan ng PDEA Pampanga at Tarlac at lokal na pulisya, arestado ang apat na lalaki at isang babaeng suspek na kinilalang sina alyas “Ama”, 36-anyos; “Jim”, 42-anyos; “Josh”, 20-anyos; “Bert”, 45-anyos; at “Lyn”, 28-anyos.
Batay sa impormasyon ng ahensya, kabilang ang limang suspek sa PDEA-PNP unified target list ng mga personalidad na sangkot sa iligal na droga.
Nahaharap sila ngayon sa kasong may kinalaman sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #