4th death anniversary ni PNoy, inalala ng mga malalapit sa kanya

Ginunita nitong Martes, June 24, ang ika-apat na anibersaryo ng pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Sa kanyang death anniversary, nagtipon-tipon ang kanyang pamilya, mga kaibigan, at taga-suporta para sa isang memorial mass sa Manila Memorial Park. Nag-alay din sila ng bulaklak sa puntod ng dating Pangulo.

Samantala, ilan din sa mga kilalang dating kaalyado ni PNoy sa pulitika ang umalala sa kanyang naging pamumuno.
Sa isang Facebook post, inalala ni ML Partylist Representative-elect Leila De Lima ang aniya’y uri ng pamumunong tahimik ngunit may malinaw na paninindigan at integridad ng yumaong dating lider ng bansa. Si De Lima ang dating Secretary of Justice ni PNoy.
Sa kanya ring post sa Facebook, tinawag naman ni Senator-elect Bam Aquino na pinunong tapat, totoo, at maka-Diyos ang kanyang namayapang Kuya Noy.
Habang si Senator Risa Hontiveros, nag-post ng solo photo ni PNoy kung saan inalala niya kung paano ito namuhay at namuno sa bayan.
Matatandaang pumanaw si Aquino noong 2021 sa edad na 61 dahil sa renal disease secondary to diabetes. Naglingkod siya bilang ikalabinlimang Pangulo ng Pilipinas mula 2010 hanggang 2016. #
