49% ng pamilyang Pilipino, itinuturing ang sarili na mahirap: SWS
Lumabas sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) na 49% ng mga pamilyang Pilipino ang itinuturing ang kanilang sarili bilang mahirap.
Samantala, 10% ang nasa borderline o gitna ng pagiging mahirap at hindi mahirap, habang 41% naman ang nagsabing sila ay hindi mahirap.

Isinagawa ang survey mula June 25 hanggang June 29, 2025, kung saan bahagyang bumaba ang self-rated poor mula sa 50% noong April 23-28, at mas mababa pa kumpara sa 55% na naitala noong April 11-15 ngayong taon.
Tinatayang nasa 13.7 milyong pamilya ang nagpahayag ng kahirapan sa sarili nitong June, mula sa 14.1 million noong April.
Gamit ang face-to-face interviews, kinapanayam ang 1,200 adults mula sa apat na pangunahing rehiyon sa bansa: Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ayon sa SWS, sinukat ang resulta gamit ang mid-year population projections ng Philippine Statistics Authority (PSA) para sa 2025.
Nilinaw naman ang SWS na “non-commissioned” ang isinagawa nilang panayam at hindi iniutos o pinondohan ng anumang partido ang mga katanungan kaugnay ng self-rated poverty. #
