40 quarry operators sa Porac, tigil-operasyon bilang protesta sa umano’y ‘double taxation’ ng Munisipyo

Lubhang naapektuhan ang supply ng buhangin at graba sa Luzon matapos tuluyang ihinto ng lahat ng 40 quarry operators at 850 haulers sa Porac ang kanilang operasyon simula pa noong November 7.
Ito ay bilang malinaw na pahayag ng protesta sa umano’y dagdag na buwis at biglaang pagbabago sa polisiya ng lokal na pamahalaan.

Kinumpirma ni Romeo “Buddy” Dungca ng KALAM na wala ni isang quarry truck ang umandar mula nang magsimula ang protesta—isang hakbang na nagdulot ng agarang pag-igting sa demand para sa construction materials ngayong papaloob sa peak ng holiday projects.
Ayon sa Association of Porac Sand and Gravel Quarry Operators Inc., posibleng umabot sa ₱128 million ang kabuuang lugi sa loob lamang ng dalawang linggo: ₱38.2 million mula sa operators at ₱90 million mula sa haulers.
Dagdag pa rito, apektado ang 60 hustlers, gasolinahan, repair shops, at maliliit na kainan na umaasa sa araw-araw na operasyon ng mga quarry trucks.
Sinabi rin ng Director ng Porac Truckers and Haulers Association na si Lennard Lansang na nagsisimula na silang maghanap ng supply sa mga karatig-bayan, ngunit nahihirapan na sila dahil mataas ang demand ngayong “-ber months.”
“Lalo kaming nahihirapan ngayon dahil halos lahat naghahanap ng materyales — peak season tapos wala kaming makuha sa Porac,” ani Lansang.
Samantala, sa panayam ng CLTV36 News, sinabi ni Porac Mayor Jing Capil na bukas siyang makipag-usap sa lahat ng quarry operators dahil malaki ang ambag ng mga ito sa ekonomiya ng bayan.
Giit ng alkalde, hindi bumababa ang koleksyon ng munisipyo, at matagal nang ordinansa ang ipinapatupad na buwis — enforcement lamang umano ang ginawa ng LGU.
Dagdag pa ni Capil, ang Porac ang may pinakamababang tax rate sa Pampanga at karatig bayan ng Central Luzon kahit mataas ang kalidad ng buhangin dito.
Nilinaw rin niya na kahit hindi siya nagbibigay ng municipal clearance sa ilang operator, wala umano siyang iniutos na stop operation.
Samantala, ayon sa datos ng Kalam, posibleng malugi ang lalawigan ng higit ₱39.13 million kada buwan kung magpapatuloy ang total shutdown sa Porac.
Inaasahang magpapatawag ng diyalogo si Pampanga Gov. Lilia Pineda upang maibsan ang tensyon, habang pinag-aaralan naman ng asosasyon ng quarry operators ang pagsasampa ng kaso laban sa LGU.
Sa ngayon, nananatiling nakahinto ang buong quarry industry ng Porac — isang sitwasyong patuloy na nagpapabigat sa supply chain ng construction materials sa buong Luzon ngayong peak season. #
