4-year term para sa Barangay at SK officials, aprubado na sa Senado
Lusot na sa Senado ang bicameral conference committee report na magpapalawig sa termino ng panunungkulan ng barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials sa apat na taon.
Inaprubahan ito nitong Miyerkules, June 11, kasunod ng ratipikasyon ng House of Representatives sa bersyon nila ng panukala kung saan anim na taong term of office ang nakasaad.
Layunin ng panukala na amyendahan ang kasalukuyang batas para iusog ang susunod na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa unang Lunes ng November 2026, sa halip na December 1, 2025, gaya ng itinakda ng Commission on Elections (Comelec).
Kapag naisabatas, itatakda na ang BSKE kada apat na taon at hindi na kada tatlong taon gaya ng kasalukuyang proseso.
Dahil dito, madadagdagan na ng isang taon ang bagong termino ng mga opisyal ng barangay kumpara sa kasalukuyang tatlong taon. Papayagan na rin ang barangay officials na magsilbi nang hanggang tatlong magkasunod na termino, habang ang SK officials ay pahihintulutan lamang sa isang termino na walang reelection.
Ang nasabing panukala ay isusumite na sa Malacañang para sa pirma ni PBBM o posibleng pag-veto nito at ibalik sa Senado. #
