4 na suspek ng fake gold scam firearms at explosives, arestado
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Arestado ang apat na suspek sa isang buy-bust operation ng Porac Municipal Police Station (MPS) laban sa pekeng gold bars, madaling araw nitong March 16.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Eva,” alyas “Dex,” alyas “Arjay” na pawang mga residente ng Brgy. Patling, Capas, Tarlac, at alyas “Ted” mula sa Brgy. Inararo, Porac, Pampanga.

Nasamsam sa kanila ang mga pekeng gold bars, pekeng pera, isang .38 caliber revolver, live ammunitions, granada, itak, at tatlong motorsiklo.
Nahaharap sila ngayon sa kasong Estafa, Attempted Murder, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), RA 9516 (Illegal Possession of Explosives), at COMELEC Omnibus Election Code.
Sa isinagawang imbestigasyon, natuklasan na sangkot din ang mga indibidwal na ito sa insidente ng pananaksak na nangyari noong March 11, kung saan isang 55-anyos na biktima ang nasawi matapos tumangging magbayad para sa hindi naihatid na ginto.
Ang mga suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya ay kasalukuyang nasa ilalim ng kustodiya ng mga pulisya upang maisampa ang karampatang parusa. #