4 na sundalo sa Pampanga, kalaboso dahil sa paglabag sa election gun ban
Arestado ang apat na sundalo sa San Simon, Pampanga nitong Martes, April 8, dahil sa paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act kaugnay ng umiiral na election gun ban sa buong bansa.
Kaagad rumesponde ang mga tauhan ng San Simon Municipal Police matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen na kinilalang si alyas “Mark”, 39-anyos na driver at residente ng San Agustin. Aniya, isang kahina-hinalang silver Toyota Innova ang umano’y sumusubaybay sa kanyang sasakyan sa loob ng limang araw.



Nasundan ng pulisya ang naturang sasakyan sa isang gasolinahan. Sa kanilang paglapit, isa sa mga suspek ang bumunot ng baril at nagtangkang tumakas kaya binaril ng mga pulis ang gulong ng sasakyan upang pigilan sila. Gayunpaman, pansamantalang nakatakas ang mga suspek bago nahuli sa Quezon Road, Barangay San Isidro.
Isa sa mga suspek ang nagtamo ng tama ng bala sa leeg na agad dinala sa ospital.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang baril, mga bala, Armed Forces of the Philippines (AFP) IDs, mga radio, video camera, at iba pang kagamitan.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang mga suspek habang patuloy na gumugulong ang imbestigasyon para tukuyin kung may kaugnayan sila sa iba pang iligal na aktibidad.
Muli namang iginiit ni PNP Spokesperson at Police Regional Office (PRO) 3 PBGen. Jean Fajardo ang mahigpit na pagpapatupad ng gun ban, kahit pa sa mga otoridad. Aniya, walang exemption ang miyembro ng kapulisan at kasundaluhan sa umiiral na kautusan at hindi niya papayagang masakripisyo ang kaligtasan ng publiko lalo na ngayong panahon ng halalan.
Matatandaang sinimulang ipatupad ng Commission on Elections (Comelec) ang election gun ban sa buong bansa noong January 12, 2025 na tatagal hanggang June 11, 2025. #