4 na OFW sa Myanmar, patuloy na hinahanap matapos ang lindol
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Apat sa 128 registered Overseas Filipino Workers (OFW) sa Myanmar ang hindi pa rin natatagpuan matapos ang pagtama ng magnitude 7.7 na lindol sa naturang bansa nitong Biyernes, March 28, ayon sa ulat ng Philippine Embassy sa Yangon.
Kaugnay nito, kasalukuyan nang nakikipagtulungan ang Embahada ng Pilipinas sa Myanmar Fire Services Department at iba pang international rescue teams para sa search and rescue operations sa gumuhong Sky Villa Condominium kung saan nakatira ang ilang mga Pilipino.
Tiniyak din ng embahada na kanilang gagawin ang lahat upang siguraduhin ang kaligtasan ng bawat Pilipino.
“Maging panatag po tayo na ang Embahada ay hindi titigil sa pagsasagawa ng lahat ng posibleng paraan upang matiyak ang kaligtasan ng bawat Pilipino sa Mandalay,” pahayag ng Philippine Embassy sa kanilang Facebook post.
Samantala, nanawagan naman si Philippine Ambassador to Thailand Millicent Cruz Paredes na ipanalangin ang kaligtasan ng mga Pilipinong apektado rin ng pagyanig sa Thailand.
“Patuloy po tayong manalangin na ligtas ang ating mga kababayan doon,” ani Paredes.
Matatandaang nitong Biyernes, March 28, naitala ang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar, kung saan naramdaman din ang lakas nito sa mga kalapit-bansa kabilang ang Thailand at Laos. #