4 na Chinese nationals, huli sa pagbebenta ng mga pekeng sapatos
Arestado ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang apat na Chinese nationals dahil sa umano’y pagpapatakbo ng negosyo ng mga pekeng sapatos sa Bulacan.
Sabay-sabay na sinalakay ng CIDG Regional Field Unit 3 at CIDG Bulacan Provincial Field Unit ang tatlong bodega ng kumpanyang Elite Globus Prime Holdings Corporation sa Meycauayan City nitong February 26.

Nakumpiska sa operasyon ang malaking bilang ng umano’y mga pekeng Crocs, isang footwear brand, na nagkakahalaga ng aabot sa tinatayang ₱75,390,000.
Bukod dito nakuha rin ang ilang mahahalagang ebidensya tulad ng mga resibo, mga computer set, CCTV DVR, at isang web mill printer.
Arestado naman ang apat na suspek na kinilalang sina Weibin, Zhenpan, Youding, at Wang na pawang mga konektado sa nasabing kompanya.
Ang mga nahuling suspek ay sinampahan na ng kasong paglabag sa National Prosecution Service sa ilalim ng Section 155 (Trademark Infringement) kaugnay ng Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Patuloy naman ang ginagawang panghihikayat ng pulisya sa publiko na i-report sa kanila ang anumang ilegal na aktibidad o bentahan ng mga pekeng produkto upang agad na maaksyunan. #