38 Aurora farmers, debt-free na sa ilalim ng Agrarian Emancipation Act

Matapos ang halos apat na dekadang pagkakautang, tuluyan nang nakalaya sa kanilang financial burden ang nasa 38 na magsasaka sa Aurora.
Ito ay matapos igawad sa kanila ng Department of Agrarian Reform (DAR) ang mahigit sa ₱1.5 million na amortization sa ilalim ng New Agrarian Emancipation Act.
Ayon kay DAR Aurora Program Officer Josephine Aguinaldo, saklaw ng condonation ang nasa 59 hectares na agricultural land na noon ay patuloy na binabayaran ng mga benepisyaryo.
Aniya, makatutulong ito upang mailaan na lamang ng mga magsasaka ang kanilang kita sa pagpapalago ng sakahan.
Samantala, sa parehong aktibidad, tatlong ARB rin ang tumanggap ng Electronic Titles sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project na layong palakasin ang kanilang ownership security.
Dagdag ni Aguinaldo, magpapatuloy ang DAR sa pagbibigay ng mga programang sumusuporta sa mga magsasaka gaya ng trainings at pamamahagi ng farm inputs upang mapataas ang kanilang produksyon at kita. #
