37.9% ng mga Pinoy, naniniwalang magulo ang pulitika sa bansa: Pulse Asia
Mahigit one-third o 37.9% ng mga Pilipinong botante ang naglalarawan sa pulitika ng bansa bilang “magulo”, batay sa pinakabagong Pulso ng Bayan Survey ng Pulse Asia na isinagawa mula February 20-26, 2025.
Lumabas din sa survey na 17.3% ng mga respondent ang nagsabing puno ito ng katiwalian, korap at may kinalaman sa pagbili ng boto.

Bukod dito, 10.9% din ang nagsabi na ang pulitika sa bansa ay puno ng alitan, pagkakawatak-watak, at kawalan ng pagkakaisa, habang 5.8% ang naniniwalang may dayaan sa eleksyon.
Sa kabila ng mga negatibong pananaw, 4.2% lamang ng mga rehistradong botante ang nagbigay ng positibong opinyon, kung saan inilarawan nilang “maayos” ang lagay ng pulitika sa bansa.
Ayon sa Pulse Asia, laganap ang negatibong pananaw sa lahat ng rehiyon at antas ng lipunan, maliban sa Class ABC, kung saan 29.8% lamang ang nagsabing “magulo” ang pulitika— mas mababa kumpara sa 38% ng Class D at 42.3% ng Class E.
Dahil dito, patuloy ang panawagan ng iba’t ibang sektor para sa mas tapat at malinis na pamamahala upang mapabuti ang imahe ng sistemang pampulitika ng Pilipinas. #