36 na bagong SPED teachers sa DepEd Pampanga, sumalang sa training
By Leezen Morten, CLTV36 News
Tutok ngayon ang Department of Education (DepEd) Pampanga sa pagpapaigting ng Special Needs Education (SNED) sa probinsya.
Kaugnay nito, 36 na guro ang lumahok sa tatlong araw na pagsasanay para sa mga Special Education (SPED) teacher bilang paghahanda sa pagbubukas ng klase ngayong School Year.

Ayon kay Jane Ibe, Education Program Specialist ng SNED – DepEd Pampanga, layunin ng pagsasanay na mas mapalawak pa ang isang inklusibo at makataong edukasyon para sa mga Kapampangan na naka-enrol sa SNED program.
Kabilang sa mga tinalakay sa unang araw ng pagsasanay ang pagtatatag ng inclusivity sa isang SNED classroom, pag-detect ng indikasyong may special needs ang isang bata, at basic sign language training.
Sa session nitong Martes, June 3, binigyang-tuon ang paggawa ng mga kalahok ng isang Individualized Education Plan (IEP) na inaasahang tutukoy sa partikular na pangangailangan ng bawat SPED learner.
Sa kasalukuyan, may 74 na SPED teachers sa Schools Division Office ng DepEd Pampanga. #
