33 barangay halls sa Angeles City, solar-powered na
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Natapos na ng Angeles City Government ang paglalagay ng solar panels sa lahat ng 33 barangay halls at iba pang gusali ng gobyerno sa syudad. Kaugnay ito ng layunin ng LGU na pababain ang gastusin sa kuryente at palawakin ang paggamit ng clean energy sa lungsod.

Ang inisyatibong ito ay nagbibigay-diin sa pagpapahalaga ng lokal na gobyerno sa paggamit ng renewable energy, pagpapababa ng presyo ng kuryente, at pagsusulong ng environmental responsibility.
Ayon kay Angeles City Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr., hindi lang murang kuryente ang kanilang adhikain sa proyektong ito kundi ang gawing mas malinis ang lungsod hanggang sa mga susunod na henerasyon.

“The installation of solar panels in all barangay halls and city government buildings is a significant step toward enhancing energy efficiency and ensuring uninterrupted services for our residents,” dagdag ng alkalde.
Samantala, susunod na proyekto ng LGU ang paglalagay ng solar panels sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center at sa City Library. #