32% ng adult Filipinos, nagsabing bumuti ang kanilang pamumuhay – survey
Lumabas sa January 2025 Pre-Election Survey ng Stratbase-Social Weather Stations (SWS) na 32% adult Filipinos ang nagsabing bumuti ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa nakalipas na 12 buwan.
Habang 25% percent ang sumagot na lumala ang kanilang kalagayan, at 43% naman ang hindi nakaramdam ng anumang pagbabago.
Kinategorya ng SWS bilang ‘high’ ang gainers o ang mga Pinoy na nagsabing bumuti ang kalidad ng buhay matapos makapagtala ng +7 Net Gainers Score (% Gainers minus % Losers). Gayunpaman, mas mababa ito ng anim na puntos kumpara sa dating +13 ‘very high’ na naitala noong December at September 2024.

Sa regional breakdown, lumitaw na pinakamataas ang Net Gainers sa Balance Luzon na may ‘very high’ +13. Kasunod nito ang Metro Manila na may ‘high’ +9, ang Visayas na may ‘high’ +2, at Mindanao na nasa ‘fair’ -2.
Isinagawa ang survey ng SWS mula January 17 hanggang 20 sa 1,800 registered voters sa buong bansa, at nasa 18 taong gulang pataas: 900 mula sa Balance Luzon, 300 sa Metro Manila, 300 sa Visayas, at 300 din sa Mindanao.
Mayroon itong sampling error margin na ±2.31% para sa national percentage, ±3.27% sa Balance Luzon, at ±5.66% sa Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Sumentro ang survey sa tanong na: “Kung ikukumpara ang uri ng inyong kasalukuyang pamumuhay sa nakaraang 12 buwan, masasabi ba ninyo na ang uri ng inyong pamumuhay ay MAS MABUTI KAYSA NOON, KAPAREHO NG DATI, o MAS MASAMA KAYSA NOON?” #