300,000 beneficiaries ng Walang Gutom Program, makikinabang na sa ‘benteng bigas’ ng pamahalaan
Nasa 300,000 beneficiaries ng Walang Gutom Program (WGP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang makikinabang na sa ₱20 kada kilong bigas.

Ito ay matapos pirmahan ng DSWD at Department of Agriculture (DA) ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa programang ‘Benteng Bigas, Meron Na sa WGP’.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang nasabing kasunduan ay konkretong hakbang upang maisakatuparan ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na tiyaking may access sa abot-kayang pagkain ang mga pinaka-nangangailangang sektor ng lipunan.
Sa ilalim ng WGP, bawat benepisyaryong pamilya ay nakatatanggap ng ₱3,000 monthly food credits sa pamamagitan ng Electronic Benefit Transfer (EBT) cards.

Unang isinagawa ang pilot rollout nito sa Tondo, Manila, kasabay ng redemption day ng mga benepisyaryo. ipinatupad din ito sa mga piling lugar sa Cebu at CARAGA Region, at planong palawakin pa sa buong bansa kapag naging matatag na ang supply chain.
Upang masigurong maayos ang implementasyon ng programa, nilagyan ng Point-of-Sale (POS) System ang lahat ng WGP-accredited retailers, at nakatakdang mamahagi ang DSWD ng higit 4,700 kiosk units sa mga barangay.
Target naman ng DSWD na maitaas ang bilang ng benepisyaryo ng WGP sa 750,000 families bago matapos ang termino ng pangulo sa 2028. #
