30,000 trabaho at abot-kayang tirahan, inaasahang mabubuksan sa New Clark City: BCDA
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Inaasahang magbibigay ng trabaho at abot-kayang tirahan para sa mga residente ng Central Luzon ang 100-hectare industrial park at 6.1-hectare na pabahay sa New Clark City, Capas, Tarlac, ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Sa panayam ng state-run radio station na Radyo Pilipinas kay BCDA President at CEO Engr. Joshua Bingcang, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng sabayang paglikha ng trabaho at pagkakaloob ng disenteng tirahan upang maisulong ang inklusibong pag-unlad sa rehiyon.
“Wala pong problema sa talent, marami pong skilled workers sa Central Luzon. Ang tanong nga lang ay kung may matitirhan. Kaya binabalanse po namin- trabaho at bahay. Kailangan po sabay sila,” pahayag ni Bingcang.

Dagdag pa niya, mahigit kumulang 30,000 trabaho ang mabubuksan para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng mga naturang proyekto.
Katuwang ng BCDA sa pagsasakatuparan ng mga proyekto ang Science Park of the Philippines at isang South Korean consortium na pinangungunahan ng Korea Overseas Infrastructure and Urban Development Corporation (KIND).
Ang New Clark City ay isang 9,450-hectare greenfield development na matatagpuan sa loob ng Clark Freeport and Special Economic Zone. Ito ay idinisenyo upang maging isang inclusive, resilient, sustainable, at smart city. Kapag ganap nang nadevelop, inaasahang magiging tahanan ito ng mahigit isang milyong residente at lilikha ng tinatayang 600,000 na trabaho para sa mga Pilipino. #