30-day uninterrupted vacation para sa mga guro, ipatutupad ng DepEd
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Epektibo na simula ngayong Lunes, April 7, ang bagong Department of Education (DepEd) Order No. 009 na nagbibigay ng 30-day uninterrrupted vacation nang walang anumang school-related commitments para sa mga guro.
Batay sa binagong polisya, na nag-amyenda sa kaparehong utos noong 2024, maaaring pumili ang mga guro kung kailan nila ise-set ang kanilang 30-day break mula April 16 hanggang June 1, 2025, nang tuloy-tuloy o paisa-isa (staggered).
Sa ilalim din nito, hindi obligadong lumahok ang mga guro sa anumang Performance Management Evaluation System (PMES) activity sa loob ng 30 days. Ang kanila namang electronic Individual Performance Commitment and Review Form (eIPCRF) ay maaaring isumite sa unang buwan ng School Year 2025–2026.

Bagama’t optional, maaari pa rin silang makibagi sa mga training at professional development activity, kung saan makakatanggap naman ng Vacation Service Credits (VSC) ang mga lalahok.
Samantala, saklaw din ng naturang DepEd order ang Alternative Learning System (ALS) at Arabic Language and Islamic Values Education (ALIVE) teachers. Hindi naman kasama sa benepisyong ito ang mga school head, ngunit maaari naman umano silang gumamit ng kanilang vacation at sick leave credits.
Ayon sa DepEd, layon ng hakbang na ito na itaguyod ang work-life balance ng mga guro sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. bilang pagkilala sa kanilang hirap at sakripisyo. #