3 Pinay na nakalibot sa lahat ng bansa sa United Nations, pinarangalan ng Malacañang
By Karylle Garcia, CLTV36 News intern
Pinarangalan ng Malacañang ang tatlong Pilipina na nakalibot na sa lahat ng 193 member-states ng United Nations (UN).

Maituturing itong pambihirang tagumpay lalo na’t wala pa sa 500 indibidwal sa buong mundo ang nakagagawa nito.
Ang tatlong world travelers ay sina Odette Ricasa, ang kauna-unahan sa kanila na nakaikot sa lahat ng bansa; Luisa Yu, pinakamatanda sa edad na 79; at Kach Medina Umandap, pinakabata at kauna-unahan namang nagkamit ng naturang tagumpay gamit ang Philippine passport.

Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ipinagmamalaki ng bansa ang Filipino world travelers dahil saanmang lugar ay nag-iiwan ang mga Pilipino ng kahanga-hangang pagkakakilanlan.
“So, nakaka-proud naman. I’m sure you left a whole trail of new friends and new Filipino fans everywhere in the world,” ani Marcos.
Dagdag pa ni PBBM, nakikilala raw ang mga Pilipino sa pagiging mabait at palakaibigan.
“Most importantly, kahit saan tayo pumunta gusto tayo. We create nice communities. Nagtutulungan talaga,” ayon pa sa Pangulo.
Kasama ring dumalo sa courtesy call si Donito Bales na founder ng global community of Filipino World Travelers. Niregaluhan niya rin ang Pangulo ng kanyang akda na “Galà: Adventures of the Most Well-Traveled Filipinos”. #