3 Most Wanted Individuals sa Nueva Ecija, arestado sa manhunt ops ng pulisya
Timbog sa ikinasang manhunt operations ng Police Regional Office 3 (PRO 3) ang tatlo sa Most Wanted Individuals sa Nueva Ecija nitong Lunes, February 17.
Una sa listahan ang ikawalo sa most wanted sa naturang probinsya na si Elmer Hernandez Mendoza, 44-anyos, na nadakip ng Cabanatuan City Police Station (CCPS) sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa ilalim ng Criminal Case No. 29602-25, na inilabas ni Hon. Elenita Evangelista-Casipit ng RTC Branch 36, Gapan City, walang inirerekomendang piyansa para sa kaso ni Hernandez na ngayon ay nasa kustodiya ng CCPS Male Custodial Facility para sa iba pang legal proceedings.
Samantala, kasalukuyan namang naka-detain sa Guimba Municipal Police Station (MPS) ang No. 1 at No. 2 sa PRO 3’s Regional Most Wanted Person na sina Jerick Pagaling Zaragosa, 20-anyos, at Jade Adrian Follero Ventura, 19-anyos, makaraang maaresto ng Guimba MPS katuwang ang 303rd Maneuver Company ng RMFB3 at ang Provincial Intelligence Unit ng NEPPO.

Wala ring piyansa para kina Zaragosa at Ventura na parehong nahaharap sa kasong Murder sa ilalim ng Criminal Case No. 6430-G na inilabas ni Hon. Rosita Dela Fuente-Torres, Presiding Judge ng RTC Branch 31, Guimba, Nueva Ecija.
Kaugnay nito, hinimok ni PBGen. Jean Fajardo, Regional Director ng PRO3, ang publiko na maging maingat at makipagtulungan sa mga otoridad sa pamamagitan ng pag-report ng anumang impormasyon tungkol sa mga pinaghahahanap na indibidwal. #