3 airport screeners sa NAIA, sinibak sa trabaho
By Ria Meneses, CLTV36 News intern

MANILA — Tinanggal sa serbisyo ang tatlong airport screening personnel na sangkot sa insidente ng umano’y ‘tanim bala’ sa bag ng isang pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Nag-viral ang post ng 69-anyos na pasaherong si Ruth Adel na inakusahan ang NAIA screeners matapos ang mga maling pahayag, pagtawa, at pagtatago ng kanilang name tags nang mapansing sila’y kinukunan ng video noong March 6, 2025.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, agad na sinibak ang mga tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) at sasampahan sila ng kaukulang reklamo.
“Hindi lisensya ang pagiging kawani ng gobyerno para abusuhin ang publiko,” ani Dizon.
Samantala, inatasan ni Dizon ang mga pinuno ng OTS at Manila International Airport Authority na suriin ang mga proseso at patakaran sa screening.
Hinihikayat din ang publiko na agad mag-ulat ng anumang pang-aabuso sa airport hotline na +63288771111.