2,700 pulis mula Central Luzon, itatalaga para sa seguridad ng SONA 2025

Naghahanda na ang Police Regional Office (PRO) 3 para sa ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa July 28, 2025.
Bilang bahagi ng Task Force Manila Shield, inactivate ng PRO 3 ang Sub Task Group Central Luzon at nagtalaga ng kabuuang 2,700 na pulis mula sa iba’t ibang lalawigan ng rehiyon.
Layunin ng mas pinalakas na pwersa na tiyaking maayos, ligtas, at mapayapa ang pagdaraos ng SONA sa Batasang Pambansa, lalo’t inaasahan ang pagdagsa ng mga tao, kabilang na ang mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta.
Ayon sa PRO 3, nakatutok ang kanilang deployment sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad habang ginagalang ang karapatan ng publiko na magpahayag.
Tiniyak din ng pamunuan na ang mga pulis ay sinanay upang kumilos nang mahinahon, may disiplina at paggalang sa karapatang pantao.
Umapela naman ang PRO 3 sa publiko na makiisa, sumunod sa mga alituntunin, at manatiling mapagmatyag.
Mahalaga raw na mapanatili ang kaayusan hindi lamang sa mismong araw ng SONA, kundi bago at pagkatapos ng kaganapan bilang bahagi ng pangangalaga sa demokrasya at katahimikan ng bansa. #
