2,500 volunteers at estudyante, nilinis ang baybayin ng Wetland Park sa Bataan
By Vin Dela Peña, CLTV36 News
Dinagsa ng humigit-kumulang 2,500 volunteers at estudyante ang baybayin ng Wetland Park sa Balanga City, Bataan nitong September 19 para sa isang malawakang coastal clean-up drive.

Ang aktibidad ay bahagi ng taunang pakikiisa ng lalawigan sa Global Environment Movement para sa kalikasan. Isinusulong nito ang mas malinis at matatag na komunidad laban sa polusyon sa dagat.
Sa temang “Clean Seas for Resilient Communities,” naging katuwang ng LGU at Schools Division Office ang iba’t ibang organisasyon kabilang ang Young Bataeños for Environmental Advocacy Network o YOUNGBEAN, na nagpadala ng kanilang mga delegasyon mula sa iba’t ibang bayan kabilang ang Mariveles upang maghatid ng suporta.


Layunin ng programa na hikayatin ang mga kabataan na makilahok sa mga gawaing nagtataguyod ng proteksyon sa karagatan at kapaligiran, gayundin ang pagpapatibay ng bayanihan tungo sa mas sustainable na pangangalaga sa yamang-tubig.
Ayon kay Kurbin Bunsua, council member ng YOUNGBEAN Balanga, ang mga ganitong uri ng hakbang ay mabisang paraan upang palakasin ang pangkalahatang depensa ng probinsya laban sa problema ng basura sa mga baybayin.

Binigyang-diin din ng pamunuan ng grupo ang bigat ng responsibilidad na nakaatang sa susunod na henerasyon na magpapatuloy sa pagsagip sa kalikasan.
“Kami po ang torchbearer ng future, kaya importante po na sa early age is ine-expose na po namin ang sarili namin sa ganitong mga activities, para in the future, malinaw po sa amin ang mga tamang hakbang sa pangangalaga sa kalikasan,” ani Bunsua.
Ang naturang province-wide initiative ay isinasagawa taun-taon upang isulong ang kahalagahan ng marine conservation at hikayatin ang mga komunidad na maging aktibong katuwang sa pagbabantay ng karagatan. #
